Pagninilay sa Lupang Disyerto (Dondon)

by Dondon

Lubha nang nakakasugat ang init sa hapon
Sa alas tres na pagtungay-ngay sa tarangkahan ng disyerto
Ako’y naririto.
Ang hanging inalihan ng buhangi’t aspalto
Na naglalaro sa magigiting na puno ng palmera
At pasulpot-sulpot na bulong ng nasayang na dekada
Ang mga araw na naghahatid sa akin sa kahapon
Nang unang masilayan ang lupang dilaw at matatayog
Na mga patay na bundok
Na walang pakinabang sa mga tupang nangalibot.
At kung taglamig nama’y masama man din
Pumipilas sa pinakamalalim na laman ng pagkatao
Nahihilam sa biglang pulandit ng dugo ng pag-iisa
At sa mga gabing kapiling ay mga naglalamlam na sikat
Ng mga bituin at mga ilaw poste sa bakuran.
At maaalala ang isa na namang gabi at maghapong balisa.

Kung tutuusin matagal ko nang niyakap ang buhay na ganito
Nakakahibang isipin na naririto pa rin ako
Kapiling ang mga arabo’t kamelyo
Mga banyaga’t estranghero
At mga kauring bukambibig ang karangyaan ng bayang ito
Na sa pakiwari ko’y isinumpa na maging desyerto
Mga taong matitigas ang dila sa pag-eenglis
Matatalim ang sagot sa mapupurol na pag-iisip
Mga nakakabanas na katwiran
Mga nakaririnding himagsikan.

Ngunit bakit ganito?
Namimintig ang mga luha kong umiiwas mahuli
Sa tarangkahan ng nakatanod na pamamaalam?