Echoes in Paradise (Radja Magat)

Echoes in Paradise

Mag-ingat sa mga namumunong mapanlinlang, mga buktot, mga sinungaling, at ganib sa kapangyarihan, sila'y mapanganib, sa ating lipunan, dulot nila'y pagdurusa at kapahamakan.

Ililigaw nila, ang buong sambayanan, mga kabuktutan nila'y kanilang pagtatakpan, sila'y magbabalatkayo para makapanlinlang, magkukunwari para, sa pansariling kapakanan.

Mag-ingat kayo sa malawak nilang samahan, mga taong gobyerno ay kanilang kinakasangkapan, sinusuyo nila ang mga simbahan, mga pulis at sundalo ang kanilang pananggalang.

Iba't-ibang partido sa iisang tatak, magagandang biyaya, ang kanilang tinatanggap, kapag ikaw ay kasapi, hindi ka maghihirap, at kapag oposisyon, ikaw ay sisinghap-singhap.

Maglulubid sila, ng mga salita, hindi mo maunawaan, ang kanilang mga diwa, itinutuwid nila, ang mga buktot nilang gawa, ang matuwid, ay mawawala sa tama. Ipagpipilitan nila, ang kanilang mga kamaliaan, sa katuwiran at katotohanan, ay magbubulag- bulagan, ipapangako sa iyo ang lahat ng karangyaan, kapalit nito ay kapahamakan.

Lahat ng pamamaraan, ay kanilang gagawin, upang kapangyarihan nila'y, huwag agawin, panlilinlang, pagtatakip, pandaraya, manipulasyon ay pipilitin, katarungan, katuwiran at prinsipyo, ay sisikilin.
Sobra-sobrang mga pribiliheyo ang laan sa mga ito, mapabuti lamang, ang kanilang mga serbisyo, tila hindi pa nasiyahan, hindi pa nakuntento, kinukuha pa, pati mga tirang buto.

Karaniwan sa kanila'y, wala sa kongreso, ikaw ay magsisisi, bakit sila pa ang naiboto, ang kanilang batas, ay pahirap sa tao, pansariling kapakanan, at nakalilito.

Linalapastangan nila ang mga batas ng tao, sila mismo ang sumusuway dito, at kalimitan ito'y nagiginginstrumento, sa kanilang mga panlilinlang at mga panloloko.

Ang sambayan ay, muling sinasalanta, nang super bagyong ang pangalan ay Gloria, kaban ng bayan, ay dinaluyong niya, gastos sa halalan, ay sobra-sobra, dayaan at manipulasyon ay hindi maapula, pagtaas ng mga bilihin ay hindi masawata, panunupil at political killings, ay naka-babahala, ang bawat hagupit, ay mapaminsala, ang bawat bugso, ay puro pagdurusa.

Sa SONA ng pangulo, suot niya'y pulang-pula, sa aking paningin, ito ay nababagay sa kanya, sa tingkad ng kulay, para itong nagbabaga, mainit na pagtanggap ang sumalubong sa kanya.

Para maisalba ang Panguluhan, malaking pondo ang kanilang kailangan, ang koleksiyon ay kulang, kaya gobyerno ay kailangang muling mangutang. Mga krimen ng pangulo ay kailangangang mapagtakpan, gagawin ang lahat ng kailangang pamamaraan, magmaskara, mag-ilusyon, manlinlang, magbuhat man ng sariling upuan, ang bansa'y gagawing "Enchanted Kingdom", sahod ng gobyerno ay tataasan, oposisyon at kaalyado ay pangangakuan, mga simbahan ay susuhulan.

Papaano masusugpo ang katiwalian, kung ang mga nasasangkot ay siya mismong nasa pamunuan?

Sa pinalobong pondo, bayan ang magsasakripisyo, sa dami ng mga proyekto, naglalaway ang mga kaalyado, sa postehan sa Kongreso, sila ngayon ay nagkakagulo. Dito makikita, lahat ng klase ng milagro, ng mga buwaya, buwitre, linta, at mga parasitiko, mga kasabwat na pulitiko, mga kaalyado, mga taong gobyerno, mga kampon, ang siyang gagawa ng mga pagmumulto.

Ang lahat ng proyekto, ng pamunuang Arroyo, galing sa dugo at pawis, ng sambayanang Pilipino, pera ng bayan ang ginagamit rito, upang gumanda ang imahe nito, pera natin ang ipinanunuhol, upang sila'y manupil at manatili sa puwesto, pera rin natin ang kanilang gagamitin, upang tayo ay kanilang bulagin, tayo ay kanilang lilinlangin at lalansihin, upang maabsuwelto at matakasan ang batas ng tao. Tayo ay igigisa sa sarili nating mantika, upang mapagtakpan ang masasama nilang gawa.

Ang Piatco, Northrail, Fertilizer Fund Scam, Benevolent contract, Jose Pidal Account, Nani Perez Scam, Hello Garci Scandal, Marcos Scroll Account, Jueteng Payola, PCSO, PhilHealth, Election Computerization Scam, Textbook Scam, ngayon ay ang Taal, NBN, JPEPA, Napocor at marami pang iba, bayan ay lugmok na, sa utang tayo'y baon pa, hanggang kailan, tayo magdurusa, sa kamay at sa mga kampon ni Gloria.

Sa Fertilizer Fund Scam ay maraming sasabit, ang pangulo at mga kongresman, ang siyang maiipit, pondo ng mga magsasaka, si Gloria ang kumupit, pinamudmud ni Bolante, sa pamumulitika ay ginamit, kaya sa kongreso ang "impeachment" ay hindi maipilit, mga kongresman mismo ang siyang bumibiyabit.

Dahil sa Hello Garci Tape, si Gloria ay nabuko, hindi pala siya, ang lehitimong pangulo, sa tagal ng panahon na tayo ay niloloko, maraming buhay ang nabuwis, nagdusa at naisakripisyo.

Ekonomiya natin, maganda raw ang takbo, ito ang pagmamayabang, ng nakaupong pangulo, dumarami ang namumuhunan, lumalaban ang piso, hindi niya ramdam ang masamang epekto. Maraming negosyante ang dumadaing, nagrereklamo, mga migrant workers sumasakit ang ulo. Habang ang bayan, sa liit ng sahod ay nagtitiis, nagsasakripisyo, nagtataasan naman, ang mga bilihin, ang mga pork barrel at mga sahod ng gobyerno.

Kaunlaran daw sa kanyang administrasyon? Wala akong makita kung hindi kurapsiyon at kunsumisyon, dayaan at manipilasyon, sabwatan at kolaborasyon, katiwalian at pandarambong, garapalan at brasuhan, pagsisinungaling at panlilinlang, panunupil, pang-aabuso sa kapangyarihan, pagtatakip sa katotohanan.

Ang Pangulong Arroyo'y walang dapat ipagmayabang, wala siyang kabutihang naidulot, sa ating inang bayan, siya ang puno't dulo, ng mga kabuktutan, panunupil, pandaraya, panunuhol, panlilinlang, pandarambong, manipulasyon at pakikipagsabwatan, na labis na nagpahirap sa sambayanan. Ito ba ang ipamumulat natin sa ating mga kabataan, at sa mga susunod pang mga pamunuan?

Salapi ng bayan animo'y kanila, pag-aari ng bayan kanilang ibebenta, Fort Bonifacio noo'y isinubasta, pinagbentahan nito'y walang nahita. Philippine Airlines, PNB, Petron, at NAWASA, Manila Hotel, PNCC, LRT at marami pang iba, ang lahat ng ito'y, naglahong parang bula, sambayanan ay nagmukhang, mga timawa, habang ang mga namumuno, ay nagsisitaba, dahil sa mga porsiyento, mga anomalya, at pang-wawalanghiya.

Kakarag-karag ang mga barkong pandigma, pupugak-pugak ang mga helicopter na pansagupa, eroplanong panghimpapawid ay tora-tora, ang mga baril at balang bitbit ay teka-teka, pambili ng mga modernong gamit ay ibinubulsa, maraming sundalo ay kaawa-awa, sa mga tiwaling heneral at mga namamahala.

COCO Levy at NAPOCOR, ngayon ang inaasinta, ng mga ganib at mga linta, ito ang puntirya, kaya't bayan alisto ka, sa kanilang gagawing mga himala.

Sa"Budget Deficit"bayan ay naghihikahos, sa nagdaang halalan, ang laki ng danyos, walang pakundangan na kanilang inubos, salapi ng bayan ang kanilang ipinantustos, mga sinalanta ng kalamidad ay hindi pa naisasaayos, ang pangulo ngayon ay muling nangungutang at namamalimos.

Utang dito, utang doon, taumbayan ang siyang nababaon, tanim dito tanim doon, sila ang lumalamon, yaman nating iniipon, ay kanila namang dinarambong.

Mga yamang likas, tayo ang dapat maglinang, mga dayuhan ngayon ang nakikinabang, kahit makasira sa ating kalikasan, magdulot man ito ng labis na kapahamakan. Sila'y walang pakialam, sila'y walang pakundangan, basta't may biyayang hatag ng katiwalian.

Ang pangulong Arroyo ngayon ay nandarayuhan, manghihikaya't daw ng mga mamumuhunan, kung hindi mamalimos, siya'y mangungutang, at muling isasanla ang ating Inang Bayan, upang sambayanan ay muling pahirapan, muling ikompromiso at muling pagkakitaan.

Mamuhunan sa taumbayan, ng kaginhawahan ay makamtan, ng tiwaling pamunuan at mga pulitikong gahaman, lahat ay gagawin, upang makapanlinlang, panunupil, pagsisinungaling at pakikipagsabwatan, pandaraya, manipulasyon, panunuhol at pang-aabuso sa kapangyarihan, kaya't napakainam mamuhunan sa mamamayan, sa pamamagitan ng mga kapalaluan at mga kabuktutan.

Dahil sa mga Pilipino, na nandarayuhan, bahagyang naibsan, ang ating kahirapan, nagsasakripisyo, nagpapa-alipin, minsan ay nabubuang, nagtitiis, nagpaparaya, puhunan ay dugo't laman, kumakapit sa patalim, hindi alintanang sila'y mapugutan, sinusuong anumang panganib, kahit na kamatayan, hanggang kailan magdurusa, ang buong sambayanan, sa buktot at tiwaling, kasalukuyang pamunuan.

Sa laki nag winaldas nitong nagdaang eleksiyon, kada T/U senatorial bet, ay 200 milyon, puwera pa ang gastos sa suhulan at manipulasyon, sa mga lokal na kandidato at sa marami pang kampon.

IBC-13, RPN-9, at PTV-4, milyon-milyong piso ang gastusin dito, sa pambubulag at pamumulitika, ito'y naging instrumento, sa panghihikayat at pang-eenganyo, at pampustura ng pangulong Arroyo.

Sa bawa't lalawigang 12-0, ang lalabas, milyong piso pa rin ang siyang katumbas, pabuyang ito ang dahilan, upang maraming maghudas, at ang sagradong boto ay mabalasubas.

Sino ang dahilan, mga kalituhan at mga dayaan? sa mga lugar na hindi ganap na natutukan at nabantayan?, sa Luzon?, sa Visayas?, at lalo na sa Kamindanawan? Bilyon pisong salapi ng bayan ang sinayang, upang makasiguro ang Malakanyang.

Mga kuwestiyunableng dukyumento, galing Maguindanao, binilang pa rin, kahit hindi malinaw, kredibilidad ng Comelec ay lulubog lilitaw, lutuan sa Comelec, maliwanag pa sa sikat ng araw, panis na pagkain, ihahatag sa atin, kahit na ito ay mapait, sunog at hilaw.

"Special Election"sa ilang bahagi ng Mindanao ay naganap, bakit sa Maguindanao hindi ito muling maipatupad? Dahil sa talamak na dayaan, Comelec ay muling sumadsad, nawala ang kredibilidad, prisipyo, moralidad at pati ang dignidad.

Marami ang nagtatanong, sino ngayon ang dapat ipalit, noong rehimeng Marcos sa kaisipan nati'y siya ring naiukit, maraming mga bansa, mga pinuno ay papalit-palit, mga pinunong tapat, at ang pag-unlad ay kanilang makamit.

Ang pag-unlad na ito, kailanma'y hindi natin maaabot, hangga't may pamunuang ganid at pamamahalang buktot, hangga't may mga tiwali at mga nangungurakot, hangga't may mga itlog na bugok, at may mga kamatis na bulok.

Kung ang mga kabuktutan ay lagi ng pagtatakpan, malaking halaga ang dito ay masasayang, maraming buhay ang mawawala at mapaparam, hindi magkakaroon ng ganap na katahimikan, mawawala ang pangarap na kaunlaran, mga pagsisikap ay mawawalan ng katuturan, mga sakripisyo ay hindi magiging makabuluhan, ang batas ng tao, tuwina ay paglalaruan, ipagkakait ang tunay na katarungan, pipigilan ang buong katotohanan, babaluktutin ang bawat katuwiran, ang dangal at prisipyo ay kanilang yuyurakan.

Anong kredibilidad at dignidad mayroon ang administrasyon, nagpasalamat pa ang hindi pagiging numero uno sa kurapsiyon, mga kriminal at rapist ay binigyan ng presidential pardon, mga kasapakat sa kabuktutan ay kanyang kinakanlong, may magaganda pang posisyon kahit walang kuwalipikasyon.

Nakababahala ang pag-aamyenda sa Anti-Terror Law, sinundan pa ng pagtatalaga sa mga sundalo, mga "political killings", paniniil at panunupil sa mga karapatang pantao, pagbusal sa katotohanan ay higit pa sa nagdaang "Martial Law". Ang Human Security Act ay hindi para labanan ang terorismo, kundi ito ay mala-terorismong hakbang ng pamahalaang abusado, para protektahan ang mga kabuktutan ng administrasyong Arroyo at supilin ang ganap na pagbabago.

Pinapatay ang maghayag ng katotohanan, sinusupil ang magpalaganap ng kawastuhan, pinagtatakpan ang kanilang mga kamaliaan, at inihahasik ang kanilang mga kabuktutan.

Kung nais ninyong bayan natin ay tuluyang guminhawa, mga kamalian, mga kabuktutan at mga masasamang gawa ay dapat masawata, distabilisasyon ay hindi huhupa, insureksiyon ay hindi mawawala, kahirapan ay kaakibat, at lagi tayong magdurusa, habang may mga tiwali at mga buktot na mga namamahala.

Ang mga namumunong ang hangad ay panlilinlang, sila'y gagawa ng maraming butas na masusulingan, ang mga namumunong ayaw tumanggap ng kanilang mga kamalian, sila'y gumagawa ng maraming kadahilanan, ang mga namumunong ang hangad ay magpayaman, sila'y gumagawa ng maraming kaparaanan, ang mga namumunong nasadlak sa katiwalian, lahat na tao'y kanilang susuhulan, ang mga namumunong binigyan ng labis na kapangyarihan, dudurugin ang lahat ng sa kanya'y humarang.

Kung ang Babilonya ay labis na kinamuhian ng Diyos dahil sa ito ay naging Reyna ng Kahalayan, tayo ngayon ay nagdurusa dahil nagkaroon tayo na isang Reyna ng Kabuktutan. Ang pamunuang Arroyo ay labis na ang kasamaan, mga panunupil, pagmamalabis at pang-aabuso sa kapangyarihan, pagdakip, pagdukot at pagpatay na hindi makatuwiran, pagsasampa ng kaso ng walang batayan, pandaraya, manipuklasyon at panlilinlang, mga pagsisinungaling, panunuhol, pagtatakip at sabwatan.

Ang paglilingkod at pamumuno sa sambayanan ay kalulad ng isang kristal na mamahalin at babasagin, kapag ito ay nagkalamat, hindi na ito muling kikinang at magniningning.

Ang ano mang paglilingkod ay hindi dapat naghahangad ng ano pa mang kapalit. Ano mang bagay, halaga, malaki man ito o maliit, ano mang pabuya, suhol, pabor at mga pangako, ay nakaukit, sa sinumang sangkot dito, ito ay may balik.

Kung si dating Pangulong Estrada ay inakusahan, nilitis at hinatulaan, ang pangulong Arroyo ay dapat gayon din naman, mas higit ngayon ang mga katiwalian, sa ilalim ng kanyang pamunuan, higit ang mga kabuktutan, kaysa sa mga nagdaan.

Ang Pangulong Arroyo ngayon ay tila isa ng robot, ang bansa natin ay pinatatakbo ng sa kanya ay mga nakapalibot, kahit na anong dikta at kahit anong pindot, ang pangulo sa ngayon ay sunod lamang ng sunod.
Ang pangulong Arroyo ay labis na nabaon, ng mga utang na loob sa kanyang mga kampon, kahit na anong gawin, hindi na puwedeng iahon, sa kabuktutan ang kasalukuyang administrasyon.

Hindi na puwedeng sikilin, hindi na puwedeng kastiguhin, sa kanilang mga pagkakamali at mga pagsisinungaling, hindi na puwedeng papanagutin, hindi puwedeng paaminin, ang mga kaalyado at mga balimbing.
Ang kasalukuyang pamunuan ay wala ng dignidad, wala ng prinsipyo at kredibilidad, kahit na anong galing at kahit na anong abilidad, hindi na makaahon, sa putik sumadsad.

Ang isang pagkakamali kailanman ay hindi maitutuwid ng isa pang pagkakamali at ang isang kamalian kailanman ay hindi maitutuwid ng anumang baluktot na katuwiran. Kapag ang isang kamaliaan ay itinuwid ng isa pang kamaliaan, ito ay magdudulot ng kapahamakan. Kapag ang isang maling gawa ay pagtatakpan, ang lahat ng kamaliaan ay pagtatakpan din. Kapag ang kamalian at masamang gawa ay hindi naituwid o kaya'y hindi nasawata, ito ay magpapatuloy at ang buong sambayanan ang siyang magdurusa. Kapag ang isang namumuno o tagapaglingkod ay humingi ng kapatawaran dahil sa pagkakamali, siya ay maaaring patawarin at maaring unawain, ngunit kapag ang tagapaglingkod na ito ay inulit ang kanyang pagkakamali at gumawa pa ng lalong maraming pagkakamali at masasamang gawa, siya ay hindi na uunawain, siya'y kapopootan at siya'y kasusuklaman. Kung ang kamaliaan at masamang gawa ay hindi maikukubli sa mata ng bata sa matatanda pa kaya? Kapag ang mga kamaliaan at mga masasamang gawa ay ipapamulat natin sa mga bata, ito ay kanilang gagayahin at kanilang dadalhin hanggang sa kanilang pagtanda.

Hinahanap natin kahi't sa kasukalan ang isang naligaw na tupa, bakit ang natitirang siyamnapu't-siyam inililigaw pa? Kung bubusalan ang katotohanang ating hinahanap, isang masansang na amoy ang ating masasagap.
Labis na nakababahala ang ating kalagayan, ang magsalita binubusalan, ikinukulong ang mga lumalaban, ang mga makakaliwa naglalahong parang bula, ang kumampi may ay biyaya, ang umayaw ay walang-wala. Ganito ba ang gusto niyong sistema, upang ma-iangat daw ang bayang lugmok na.

Lahat ng panlilinlang ay kanilang pinaplano, mga kasabwat sa krimen ng pangulo, halatang-halata na niloloko tayo, ng mga palamunin at walang silbi sa tao, Ang pangulo, na gumawa ng maraming milagro, ngayo'y takot sa sariling niyang multo. Pulis, sundalo, taong gobyerno, mga kongresman lahat ng kaalyado, pati simbahan pinapangakuan at sinusuhulan nito.

Ang isda raw, sa bunganga nabibingwit, kapag nahuli, kumakawalang pilit, kawag ng kawag, buntot ay pumipitik, gagawin ang lahat para makapuslit. Panunuhol, panunupil at panlilinlang, pakikipagsabwatan, at pagtatakip sa katotohanan.

Ang paghahanap ng katotohan at katarungan ay katulad ng isang rumaragasang agos ng tubig. Naghahanap ito ng madadaluyan. Hindi ito kayang pigilan, kayat wawasakin, dudurugin at sisirain ang anuman sa kanyang daraanan.

Walang ibang sisira sa matigas na bakal, kung hindi ang sarili nitong kalawang, walang sisira sa isang pamunuan kung hindi ang kanyang mga kabuktutan at kapalaluan, at walang sisira sa isang sambyanan kung hindi ang sarili nitong pamunuan.

Ang kasamaan ay may hangganan, ang kabuktutan ay may katapusan, kung ang pagiging matuwid ay hindi maisasakatuparan sa tama at mapayapang pamamaraan, ang pagiging matuwid ay kailangang mapagtagumpayan sa ano pa mang kaparaanan upang ganap na makamtan ang kaunlaran at katiwasayan.

Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay ang Siyang magiging batong panulukan. Hindi na kayo paghahariaan ng Diyos kundi ang mga bansang maglilingkod sa kanya ng tapat. Ang bumagsak sa batong ito ay magkakadurog-durog, at magkakaluray-luray ang mabagsakan nito."(Mateo 21:42-44)
The Lighthouse Global Mission
Manila,Philippines

by: Radja Magat radjamagat2005@yahoo.com