This site is managed, updated or maintained only during the Site Owner's free time, so publishing of articles or response to inquiries submitted to us will not be immediately entertained. Thank You!
This site is managed, updated or maintained only during the Site Owner's free time, so publishing of articles or response to inquiries submitted to us will not be immediately entertained. Thank You! NavigationUser login |
Ang Kahirapan ni Juan (Isang Pahabol)Ang Kahirapan ni Juan (Isang Pahabol) Ang yaman sa mundo ay hindi maiihahalintulad sa isang bibingkang inaangkin ng iilan lamang at ang natitirang isang maliit na bahagi ay iniiwan upang paghatian ng nakararami. Totoong hindi pantay ang pagkakabahagi ng yaman sa mundo: Ayon sa pag-aaral, nobenta porsyento (90%) ng lahat nang yaman ay pag-aari ng sampung porsyento (10%) lamang ng lahat ng tao; at ang natitirang sampung porsyento (10%) ng lahat ng yaman ay pag-aari naman ng natitirang 90% ng buong populasyon. Base sa istatistikang iniharap ng "anonymous" nating kaibigan halaw sa U.N. Development Report ng 1998, ang yaman ng tatlong (3) pinakamayayamang tao sa daigdig ay higit pa sa Gross Domestic Product (GDP) ng 48 na pinakamahihirap na bansa. Totoong nakamamangha ang agwat ng pinakamayaman at pinakamahihirap na tao sa mundo. Nguni’t alalahanin natin na ang tinutukoy na yaman dito ay hindi ang natural na yaman na ibinigay sa atin ng Panginoon upang pakinabangan ng lahat sa isang makatarungan at pantay-pantay na pamamaraan. Ang yamang tinutukoy sa mga istatistikang nabanggit ay ang yamang nilikha ng tao... ng mga mauunlad na tao na namuhunan ng panahon at pagpupunyagi sa paglikha nito. Dahil dito'y hindi masasabi na sa iilan lamang "napupunta" ang maraming yaman at ang natitira ay "pinaghahatian" na lamang ng marami. Ang bawat isa sa atin ang gumagawa ng sarili niyang yaman... katulad din nang ang bawat isa sa atin ang lumilikha ng sariling kadahilanan upang manatili sa kakapusan o kahirapan. May Kakayahan Ka Anuman ang pinanggalingan sa buhay, ang lahat ay may kakayahang paunlarin at iangat ang sarili (basahin ang nakaraan nating mga mensahe at mga komento rito: "Nasa Kamay Mo ang Lahat," "Hindi Ka Punong Kahoy," at "Ang Pag-Unlad ay Nagsisimula sa Sarili"). Sinumang tao ay maaaring lampasan ang kakapusan at kahirapan sa pamamagitan ng isang maunlad na kaisipan. Gayundin naman, alinmang yaman ay maaaring mawala, kung hindi mananatili ang maunlad na kaisipang lumikha nito. Totoong limitado ang kakayahan sa buhay ng isang dumaranas ng matinding kahirapan. Nguni't mali ang kaisipang nagsasabi na ang solusyon sa problemang ito ay nakasalalay sa mga taong higit na nakaaangat o "lubos na pinagpala" sa buhay. Malaki ang maitutulong ng iba: ang pamahalaan, pribadong sektor, mga mapagkawanggawa at mabubuting-loob na indibidwal na tao, institusyon at organisasyon, at iba pang nasa katatayuang tumulong. Nguni’t ang tuluyang pag-angat at pag-unlad ng sinumang tao, sa bandang huli, ay nananatili pa rin sa kanyang sarili. Ang Tamang Pagtulong Totoong habang tumitindi ang kahirapan ng isang tao, higit niyang kailangan ang tulong ng iba: Paano nga ba makapag-iisip ang isang taong kumakalam ang sikmura sapagkat minsan lamang sa isang araw nasasayaran ng kaunting pagkain ang labi o marahil ay mas madalang pa? Ano nga ba ang magagawa ng isang mahirap na maysakit na naghihintay na lamang agawin ng kamatayan sapagkat ni bahagyang kakayahang magpagamot ay wala? Totoong dapat tulungan - at may tungkulin tayong lahat na may kakayahang tumulong - ang mga taong walang kakayahan, o limitado ang kakayahan, na tulungan ang sarili. Nguni’t ang pinakamahalagang tulong na nararapat ibigay sa kanila ay mismong ang mga bagay na kailangan nila upang tuluyang mamulat ang kanilang isipan at makatayo at matulungan ang kanilang sarili. Nangunguna sa mga pangangailangang ito ang tamang edukasyon na magbibigay sa kanila ng kakayahan hindi lamang bumasa, sumulat, at bumilang, kung hindi magmumulat din sa kanilang natutulog na isipan sa kakayahang ibinigay sa kanila ng Diyos na iangat ang sarili at ang sariling pamumuhay. Dapat nilang maunawaan na ang kahirapan ay isang kondisyon na maaaring baguhin... hindi isang kondisyon na dapat tanggapin - o yakapin. Hindi sapagkat isinilang sa kahirapan ay ito na ang magiging paraan ng pamumuhay. May ibang pamamaraan na dapat tuklasin... at may ibang daan na kailangang tahakin. Ang ikalawang dapat tugunan ay ang kinakailangang mga kasangkapan upang makatayo sila sa sariling paa, tulad ng pagbibigay ng maliit na puhunan, pagsasanay sa iba’t-ibang bagay na maaaring pagkakitaan, pagtuturo ng kakayahan sa pagpapatakbo ng maliit na negosyo, pakikipag-ugnayan sa paghahatid ng produkto sa merkado, atbp. Ang pamahalaan ay may mahalagang tungkulin sa pagbibigay ng serbisyo at mga programang mag-aangat sa mahihirap nating mga kababayan - at marahil ay dapat pag-ibayuhin at lalong pagbutihin ang mga serbisyo at programang ito na pangkabuhayan, pangkalusugan, pang-edukasyon, atbp. Ngunit sa isang banda, ngayun o kahapon lamang ba ang nasabing mga sebisyo't programa? Gaano katagal na nga ba, halimbawa, ang mga programang “livelihood,” “micro-financing,” at “skills development” na ibinibigay ng pamahalaan, gayundin ng ilang pribadong organisasyon at “non-governmental organizations” (NGO), para sa mga kababayan nating nangangailangan ng pagkakakitaan? Ang mga pagtuturo at pagsasanay sa iba’t-ibang kakayahan at kaalaman, at iba pang mga programang mag-aangat sa kanila? Pagbabago ng Pananaw Ang direktang pagtugon sa materyal na pangangailangan ng isang mahirap na tao - at anumang tulong maliban sa mga nabanggit sa itaas - ay itinuturing nating kawanggawa. Ito’y hindi masama at nararapat lamang hangga't kinakailangan... nguni’t ang kawanggawa ay isang pansamantala o hindi pangmatagalang solusyon, na nararapat lamang sa isang pansamantalang pangangailangan. Kung talaga mang hindi maiiwasan, ito’y dapat ilaan sa tunay na walang kakayahan sa sarili o ni pamilyang maaaring sandigan. Iginigiit natin na ang tangi at pangmatagalang solusyon sa problema ng kahirapan at kakapusan ng marami ay wala sa kawanggawa o pagbabaha-bahagi ng lahat ng yaman sa mundo. Ito'y nasa pagbabago ng pananaw at kaisipan ng bawat isang tao. May Pagkakataon Totoong nakabukas sa lahat ng tao ang pagkakataong baguhin ang buhay. Nguni't ang biyaya at pagkakataon para sa isang maunlad at masaganang pamumuhay ay kusang hinahanap at pinaghahandaan. Hindi ito hinihingi... hinihintay... o kusa na lamang dumarating. Anumang biyaya at pagkakataon ang naririyan at maaaring makamit, ito'y hindi matatagpuan kailanman ng isang taong walang kahandaan. Kung kaya't ang susi sa problema nang kahirapan ay totoong nasa isang mulat na kaisipan. Hindi man nakarating ng mataas na pag-aaral, ang isang mahirap na tao na mulat ang kaisipan ang mismong maghahanap ng mga kasangkapan upang maiangat ang sarili: ang mga kaalaman, kakayahan at pamamaraang kailangan niya, ang puhunang magagamit niya, atbp. Ayon sa isang kasabihan, ang guro ay dumarating lamang kung ang mag-aaral ay nakahanda na. Article from http://masaganang-pinoy.blogspot.com/ login to post comments | 1109 reads
|
VISITOR'S NOTICE:This section is currently being updated, so some pages had been moved to a new location or doesn't exist anymore. Who's onlineThere are currently 0 users and 1 guest online.
|