MALAKING KAGAT SA BIG APPLE (Hazel Toquero)

MALAKING KAGAT SA BIG APPLE
by Hazel Toquero

Sa ika- 3 ng Agosto ay anibersaryo ng aking pagkadapa sa JFK habang naghihintay sa luggage section. Tatlong taon na rin ang lumipas at heto ako ngayon na kasali pa rin sa karera ng mga kuneho sa New York. Marami akong natutunan sa mga panahong ito. Ang karamihan ay senti- style, masaya dahil nakakatulong sa pamilyang naiwan at bukod sa lahat natuto na akong magtupi ng sariling damit. Maaaring sabihin niyo na ang yabang ko naman but I swear hindi ako handa bago ako dumapo sa Estados Unidos. Ang totoo, inisip ko lamang ang sweldong kikitain ko. Ngunit hindi ko akalain na mas mahirap pala ang malayo sa magulang (kahit buong puso nila akong pinakawalan papunta rito), ang mawalay sa mga berks (wala ng gimik) at ang pinakainaasam- asam kong halakhak ng pagiging Pinoy. Iba tayo, mababaw ang ating kaligayahan pero ito ang nagpapakulay sa ating mundo higit sa ibang breed ng sangkatauhan. Bawat araw na nagdaan, ang puso ko ay naghahanap ng balut, kropek at fishball. Kadalasan, ito ang rason kung bakit ako naiiyak. Hindi dahil sa mga hindi matapos tapos na utang na aking binabayaran sa Pilipinas (na hindi ko naman po utang) pero ang mga simpleng bagay na nag- papaalala na ako ay Filipino. Parati kong biro sa aking kaibigan, masarap ang pusa, itik, aso, kambing, kabayo kahit na bayawak. Shocked siya sapagkat kapitag- pitagang guro ako na nakakain na ng exotic food, unique talag!. Ang sagot ko, ang mga Filipino ay hindi pihikan kaya kahit saan mo kami isalpak, survive kami ala Destiny’s Child. Tatlong taon ko ng sinasabing AKO AY FILIPINO! Taas noo kahit kanino at pakita ko pwet ko kung asarin ako. Tingil ko na ang sagot na ako ay Tagalog ang half Ilokano with traces of pagka- chekwa. Naalis na sa akin ang regionalism at nakikita ko rin ito sa aking mga kasama.

Sa loob ng tatlong taon, ang sumusunod na sampung bagay ay hindi ko makakalimutan kahit mapunta man ako sa Iraq. Ang Pinoy kapag naging OFW, tiyakin mo ang puso niya ay lalaki na parang batya plus magiging Goldilocks Mamon pa ito.

1. 1. Kahit ano pa ang explanasyon na dollar to dollar dito, hindi maiintindihan ng ating mga kamag- anak ang ating hirap. Ang alam nila ay pinupulot natin sa sidewalk ang mga pennies, dimes (na paborito ko) at quarters (jackpot!). Hindi nila alam na nakakalbo na ako kung paano hatiin into 16 equal parts ang aking sweldo. Nakakabugnot pero kapag naipadala na, langit ang nararamdaman. Tanging ipon ko kada sweldo ay $56 dollars. Minus mo na yung $1 para sa toothpaste na bibilin ko sa 99 cents store.

2. Kung may asawa ka sa Pilipinas, kunin kaagad sa loob ng isang taon. Sa mga kababaihan, 6 months pa lang at kunin na si Honey at baka hindi makontrol si “dragon”. Sa mga kalalakihan, baka mag ala Gretchen Barretto Lifestyle bigla at ang ipon mo ay napunta sa Bulgari (from Baclaran). Iba pa rin kung magkasama ang mag- asawa. Ang tukso ay may malaking pangil. Sarap actually magpatukso. Dami ko na ngang kaibigan ang nalulong sa sea of love. Tsk Tsk! Naligayan man sila kapalit ng luha ng kanilang mga chikiting.

3. Kapag nasa ibang bansa tayo, lahat tayo ay magsisimula sa square one. So please reminder sa mga OFW na papunta rito lalo na ang mga kapwa guro ko, hubarin ang SC (superiority complex) na galing sa mga lintik lintyak na mga masters degree, PhD of kahit pedigree. Marami akong nahirapan na kasama sapagkat principal sila diyan tapos balik probationary dito. Alam kong mahirap bumaba sa tuktok ng Mt.Apo. Well just think of it as climbing again the giant beanstalk ulit at ang goal natin ang makuha ang goose na nangingitlog ng gintong itlog. Humility is the key kahit obvious na may “tinkerbell” sa utak ang boss mo. Tikop muna ang bibig at isipin ang mga bilin ni Inang na Spam at Teflon. Kaya kung hari ka ng tomaan diyan, itigil mo na ang ilusyon mo na ituloy ang performance mo rito. Compute mo na lang ang cost ng beer dito- allowance na ni Junior actually.

4. Ang mga agency ay parang mga kabuti. Iba iba man ang pangalan, pareho pa rin ang layunin. Ito ay ang magbayad ka ng mas higit sa halaga ng buhay mo. Tanging payo ko, maging matalino at laging sundin ang instinct. Kung walang napapala within 8 months to 1 year. STOP bago pati si Pong Pagong ay maisanla mo. Kung may mga kaibigan kayo rito- email niyo kami para tingnan namin kung legal/ necessary or hocus pocus lang ang drama ng agency mo. Alisin ang hiyang magtanong at hindi masamang magback- out. Itigil ang telenovela ng saving face. Ayokong pati ang college plan ni Bunsoy ay mabenta na.

5. Humanda ka sa biglang paglaki ang iyong clan. Susundin nila ang utos ng Diyos “Go Forth and Mutiply.” Hindi ko na mabilang ang aking mga inaanak. Katwiran ko, masama tanggihan ang bata so go go go naman ako. Dadami rin ang kaaway mo lalo na kapag hindi mo napautang. Okey lang kesa naman magpanggap ka na Swiss Bank ka. OA naman kung pilipitin mong maging Bill Gates ka for charity. Hindi masamang huminde lalo na kung pondo lang naman para manalo ang anak nila sa Mr. or Ms. Talaba Chicharones 2007.

6. Galing tayo mag- ingles kaya love na love tayo ni Uncle Sam. Innate na rin sa atin ang magkaroon ng accent in two months, British , French o kahit Congo. Ako ngayon ay may problema sapagkat lagi ko nang nabibigkas ang Internet na Inernet, Inelligent and Inersection sa bilis ng aking pagsasalita. Ipagpatuloy mga batang Pinoy, be globally competitive at huwag maadik sa Pinoy Big Brother.

7. Ang isang araw ay pwedeng maging 28 hours. Kahit sa pagtulog, nagtratrabaho ang aming utak. Mula sa paano budgetin ang monthly allowance ni Junior (na nasa ika 10 taon na sa accounting) at yung kay Dudoy Putik na tambay sa kanto (patrol guard siya), naiisip namin kahit sa panaginip. Isama mo na rin kung paano namin malalampasan ang mga “discriminatory” subliminal messages mula sa aming boss at katrabaho. Mantakin mo na tinatawanan nila ako dahil araw araw ako naliligo! Weird as in super. Kung kelan ang sales sa Victorias Secret, Gap at Costco para sa susunod na balibayan box. Lahat ng mga ito ay hindi nakakaligtaan sapagkat mahal namin ang aming pamilya…pati kabitbahay at ang kanyang galising aso.

8. Lalakas ng boses mo kahit ano pa ang pigil mo. Evolution kase kailangan. Karamihan ay may hearing impairment kaya malakas, mabilis ang pananalita at idagdag mo ang wrong grammar. Tried and tested na ito kase kapag correct grammar, sagot nila ay “Pardon, I didn’t get what you said.” Kaya simple “We was going tomorrow but plans cancelled fast.” Okey ba? Nasanay na rin ako. Pero sa aking mga sinusulat, follow ko pa rin ang English 101 ko.

9. Dalawang role lang ang aming ginagampanan sa loob ng isang araw. Magtrabaho sa gabi o araw at ang maglaba sa laundry mat. Ito ang aming tanging libangan habang nagbabasa ng tsismis sa Pinas. Hanggat may pinapaaral kami, binibilhan ng gamot o pang- pustiso ni Lola, hindi pa namin kayang lumarga. Hindi kami nagrereklamo. I- budget lang naman nang mahusay para naman hindi lahat ng text messages na matanggap namin ay “Ubos na padala, kelan yung susunod?” Kapag ito ang nangyayari, sarap tirisin ang mga …kuto ng poodle nga king kapitbahay.

10. Ang mga OFW ay BAYANI- modern heroes, living heroes na dapat bigyan halaga ng mga anak kesa kay Britney Spears na laos na, Paris Hilton na walang boobs o si Lindsey Lohan na sigurado akong babalik sa rehab. Kami ang mga dapt maging modelo dahil tinutulungan namin si GMA para itaguyod ang ekonomiya ng Pilipinas. Amy utang na loob din kami sa kanya- aba! Mass exodus ng mga OFW ang nangyari simula ng umupo siya sa bangko ng Malacanan Palace.

Sa mga mambabasa nito, nawa’y mapulutan niyo ng aral. Itext niyo naman at pasalamatan ang inyong mga magulang sa Middle East, si Ate sa Singapore, si Kuya sa Dubai at ang mga anak niyo tulad ko na miss na miss nang kumain ng singkamas. Napurga na kase ako sa mansanas. Hindi lang paminsan minsan.- kamustahin niyo rin kami kung okey sa alright pa ang aming lagay. Tandaan na andito kami at tinitiis ang pagka- homesick dahil mahal namin kayo.

www.filteany.com