Ang sermon…sa pananaw ng isang OFW sa Dubai (Noel Malicdem)

Ang sermon…sa pananaw ng isang OFW sa Dubai
Likha at titik ni ka noel malicdem, arkitekto

Gusto ko lang ibahagi sa pamamagitan ng tula
Ang aking karanasan sa tuwing ako’y nagsisimba
Lalo na’t si Fr. Zaki ang nangunguna sa misa
Tiyak na kagigiliwan mga sermon na may patutsada.

”Batu-bato sa langit ang tamaan huwag magalit”
Mga katagang bago magsermon ay binabanggit
Paraan lang imulat at magmalasakit
Sa mga kabayang lito ang pag-iisip.

Huwag sanang masamain ang kanyang napupuna
Ang magdamit ng maayos sa tuwing magsisimba
Ang magkuwentuhan habang kasalukuyan ang misa
Upang maiwasan makaistorbo rin sa iba.

Ang mga kuwento sa sermon ay hango sa mga nakikita
Mga pangyayaring sa araw-araw ay nasasaksihan niya
Sa mga kababayang landas ay kumaliwa
Ibangon muli at mabuhay ng mapayapa.

Sa kabila ng pagkakalayo sa ating bansa
May isang pari hangad lang ay mapasaya
Sa mga kabayang naghahanap ng magandang balita
Lunas sa pagkakalayo sa mahal na pamilya.

Buhay sa Dubai di lahat may ginhawa
Halos pambayad lang ng bahay ang iyong kinikita
Di makabalik ng bansa kaya sa Kish na nakatira
Baon sa utang dahil lang sa visit visa.

Di naman masama ang mangarap mangibang bansa
Hangad konting karangyaan para sa pamilya
Huwag sanang padadala sa sabi-sabi ng iba
Magsimba na lang tayo at malayo pa sa pagkakasala

Bahagi na ng sermon paraan ng pagpapasaya
Makalimot sa problema, lumakas ang pananampalataya
Maliwanagan ang isip sa maling akala
Maging kahanga-hanga sa paningin ng iba.

Ang panalangin ko lang tayo ay magkaisa
Maging karamay sa bawat pagsubok ng iba
Isang bayani at bahagi ng pagbabago ng bansa
Tunay na pananampalataya, buhay ay magiging mapayapa.