On Behalf Of Jonelo Pagobo: A Beggar of My Time

On Behalf Of Jonelo Pagobo: A Beggar of My Time

I am a beggar of my time

I may not be the "taong grasa" who is often seen in Quiapo and other slum places in Metro Manila but I was a beggar. I came from a family living on top of the mountain. Nabubuhay naman kami ng maayos sa pamamagitan ng pagsasaka ngunit naroroon talaga ang ibayong pagsisikap para makaraos sa araw-araw. Walo kaming magkakapatid, pangatlo ako sa panganay.

Kahit marami kaming magkakapatid, tuloy ang pag-aaral ko sa elementarya. Ang problema, pagkatapos ng elementary hindi na ako balak pag-aralin pa ng aking mga magulang sa highschool. Ang katuwiran nila, sila nga raw na elementary undergrad, nabubuhay ako pa kaya na nakatapos ng elementary?

Masakit isipin na dahil ba sa mas mataas na nang kunti ang narating ko kaysa sa narating nila ay sapat na, mabubuhay na ako? Bagama't payak ang pamumuhay sa bundok, may mga pangarap din ako na gusto kong matupad.

Dumating ang Sisters of Mary. Mabait talaga ang Diyos, alam nya ang sagot sa aking pangangailangan. Ang sisters of Mary ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga batang kapus-palad na makapag-aral sa highschool ng libre. Libre lahat-lahat, tirahan, damit, school supplies. Itinatag ni Fr. Aloysius Schwarz at kasalukuyang pinalalakad ng mga madre. Ang institusyong ito ay may apat na compound sa bansa, 2 sa Visayas at 2 rin sa Luzon (sa Cavite). Dito pinagkalooban ako ng edukasyong maykalidad na walang hinihinging kapalit kundi ang magsikap akong matuto at nang maka-ahon ako sa kahirapan balang araw.

I completed high school (1998) at sa tulong din gn Sisters of Mary, nagsimula akong magtrabaho sa isang Japanese firm sa Manila (1999) bilang isang CAD Operator. Naging maayos ang trabaho ko at noon ay nakakapagpadala na ako ng kunting halaga sa aking mga magulang sa
probinsya. Noon naman ay hinangad ko na magpatuloy sa kolehiyo. Isang desisyon na lalong naghubog sa aking pagkatao.

Dahil sa highschool ang natapos ko hindi kataasan ang sahod na natatanggap ko. Iba rin ang mga benefits kumpara sa mga may tinapos, isang bagay na lalong nagtulak sa akin para mapatuloy sa kolehiyo. Ngunit hindi naging madali ang paghahanap ng paaralan dahil ang
karamihan sa mga pam-publikong paaralan o universidad ay walang pang-gabing klase, kung mayroon man ay hindi ko rin makuha ang lahat ng required units.

Sa STI ko nakita ang schedule na angkop sa akin bilang isang working-student. May pang-gabing klase at may schedule din para sa buong araw ng Sabado. Sa simula pa lamang ay ramdam ko na ang kakapusan sa pera. Para makatipid, hindi na ako nagme-merienda at kadalasan ay nilalakad ko lamang mula sa opisina hanggang sa eskwelahan. Pagpawisan man ng todo, ma-langhap ko man ang usok ng mga sasakyan habang naglalakad ako sa tabi ng kalsada, ayos lang, makatipid lang ako. Ngunit hindi ito naging sapat. Lumapit ako sa aking employer na ang naging tugon naman ay "study now pay later". Mula noon ay hindi na naging mabigat ang pag-aaral ko sa first year hanggang matapos ko ang second year. Nang mag-third year ako, nahinto ang suporta ng aking employer dahil sa kawalan ng pondo. Paano na ngayon ang pag-aaral ko?

Nakapag-enroll pa rin ako sa unang semester para sa ikatlong taon ko dahil pina-utang naman ako ng aking employer pero ito ay sa kasunduan na bawat sahod ay may katumbas na halagang babawasin sa aking suweldo hanggang sa mabayaran ko ang halagang nagamit ko sa pag-e-enroll.
Tinaggap ko ang kasunduan at nagpatuloy ako sa pag-aaral. Nang mga panahong yun ay nagsasama na kami ng aking nobya at nagkaroon na rin kami ng anak. May mga panahon na walang-wala kami, mga araw na sumasakit ang ulo ko sa kaiisip kung ano ang magandang gawin para tugunan ang kakapusang yun. May ilang ulit din na pumasok sa isip ko ang huminto sa pag-aaral ngunit isang taon at kalahati na lamang ay makatatapos na ako, hihinto pa ba ako?

Masyadong maliit ang aking sahod para bawasan pa kaya hindi na ako umulit sa paghiram sa aking employer. Gulong-gulo ang isip ko noon ngunit patuloy ako sa paghahanap ng paraan para maipagpatuloy ko lamang ang aking pag-aaral at hindi ko naman mapabayaan ang aking mag-ina. Pumasok sa isip ko ang paghingi ng tuloy sa mga taong hindi ko kilala. Pagpapadala ng solicitation letter/email ang naging pasya ko. Ilang beses din akong nabigo kasama na rito ang mga hindi gaanong magandang tugon buhat sa ilan. Gusto ko sanang sabihin sa kanila, hindi nyo lang siguro nasubukan ang malagay sa kalagayan ko ngayon. Kung ayaw ninyong
tumulong, huwag na lang sana kayong mag-salita ng hindi maganda dahil bukod sa hindi na kayo nakatulong, lalo pa ninyong sinisira ang loob ng taong lumalapit sa inyo.

Dahil sa bigo ang pagpapadala ko ng solicitation letter, ihininto ko ito sa pag-aakala na hindi ito at wala rito ang tugon sa aking pangangailangan. Ngunit may isang tao na may natatanging tugon, "Bakit ka namin dapat tulungan Jonelo?" Iyan ang unang-unang tanong sa akin ni Ate Tonette.

Matapos ang palitan namin ng email ay pumayag siyang suportahan ang pag-aaral ko sa fourth year. Alam kong hindi madali para sa kanya ito dahil ang pinagkukkunan nya ng pera ay pawang mga kapwa OFW din lamang na handang tumulong ngunit hindi naman natitiyak na palaging mayroon dahil ang perang ibinibigay nila ay bahagi rin lamang ng kanilang kinikita. Maliban dito ay may kamahalan din naman ang matrikula ko. Ngunit, lubos ang aking pasasalamat dahil natapos ko ang kolehiyo, mahirap man ay itinuloy nila ang pagtulong sa akin.

Nakatapos ako ng pag-aaral, isang pangarap na natupad dahil may mga taong gustong tumulong kahit pa sa taong hindi naman nila kilala.

Ngayon, unti-unti ko nang timatamasa ang magandang bunga ng aking paghihirap sa tulong ng mga taong handang tumulong, kahit kanino, sa anumang oras, sa anumang pangangailangan. dahil ito, sinabi ko sa aking sarili ? magiging kaisa nila ako sa pagtulong sa mga nangangailangan.

Hindi ako magiging manhid, hindi ako magiging bingi sa mga humihingi ng tulong. I know how it feels to be helpless and I know how painful it is to be called "scammer", "crooked man" as you find people who could help you. Naroroon man ang posibilad ng isang panloloko, panlalamang; ngunit bilang isang isang may paki-alam at walang ibang kagustuhan kundi ang
tulungan ang mga nangangailangan, makikita mo ang totoo sa hindi, malalaman mo kung ito ay isa lamang kalokohan o ang tulong na ipagkakaloob mo ay mapupunta lamang sa isang mapanlamang.

Kung ikaw ay may kakayahang tumulong ngunit wala kang tiwala, o inaalala mo na isang panloloko lamang nag paglapit sa iyo, huwag mo itong pag-ukulan nang pansin at huwag mo na rin itong sasagutin at sasabihin na isa lamang itong kalokohan kung wala ka namang sapat na basehan. Dahil hindi ka na nakatulong, lalo pang panghihinaan ng loob ang lumalapit sa iyo.

As posted in OFW Connect Group...